Nanaginip ako kaninang umaga.
Kanina kasing alas-kwatro, na-alimpungatan ako. Lagi akong ganun. Nagigising kapag dis-oras na ng gabi. Kaya kanina, pinilit kong hindi na makatulog ulit dahil alam kong mas lalo lang mahihimbing ang tulog ko. Kailangan ko pa namang pumasok ng maaga sa opisina.
Ang ginawa ko, binuksan ko ang Internet at nanood na lang ng football. Final game na kasi, Manchester United vs. Barcelona. (Talo ang Manchester. 2-0. Ampf.)
Pero dahil na din siguro sa sobrang pagod at antok, nakatulog ulit ako.
Nagising na lang ako sa loob ng MRT. Gabi na, at sobrang andaming tao. Hindi ko lang malaman kung MRT ba ito sa Pilipinas o dito sa Singapore. Pero ang alam ko, pauwi na ako nun ng bahay.
Bigla kong nakita si Mama. Nagulat ako. Naisip ko, bakit nandito siya sa tren? Saan siya galing? Habang papalapit ako sa kanya, mas lalo kong ikinagulat ang nakita ko. Aba, kasama niya si Papa! Huh?! Buhay si Papa?! Pareho silang nakangiti at parang nagbubungisngisan. Naging masaya naman ako nung makita ko silang dalawa dahil mukha din silang masaya pareho.
Huminto bigla ang tren. Bumukas ang mga pinto. Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, nadala ako palabas ng MRT. Teka, hindi pa ako bababa! Hindi pa 'yun ang istasyon na kailangan kong babaan! Malayo pa ito sa bahay namin! Wala naman akong nagawa. Andami kasi sobra ng taong nagmamadaling makalabas ng tren at makababa sa istasyon na 'yun. Nahiwalay tuloy ako sa mga magulang ko. Naiwan ko sila sa loob ng tren.
Pero nagpumilit pa din ako. Pilit kong inilalapit ulit ang sarili ko sa tren kahit nagsimula ng umandar ito. Ang nasa isip ko nun, gusto ko silang makasama. Kailangan ko silang maabutan.
Ang ginawa ko, lumusot ako sa kung saan-saan. Patakbo kong sinuong ang kung anu-anong 'shortcuts'. Merong malawak na daanan, meron ding makipot. Hindi ko alam kung nasaan na ako, pero takbo pa din ako ng takbo. Hanggang sa makakita ako ng isang rollercoaster.
'Yun na ata ang pinaka-malaki at pinaka-mahabang rollercoaster na nakita ko. Mas malaki pa sa Space Shuttle na nasa Enchanted Kingdom. Kakaiba din siya. DAGAT ang nasa ilalim! Kung titingnan mo, sobrang nakakatakot ang sumakay lalo pa't tubig ang babagsakan mo 'pag nagkataon (Paano na lang 'pag nahulog ako eh hindi ako marunong lumangoy?). Tapos gabi na nun, madilim na ang kalangitan at paligid. Hindi tatagal dun ang mga mahihina ang puso.
Pero ang nasa isip ko, gusto kong sumakay. Kailangan kong makasakay sa rollercoaster na 'yun.
At 'yun nga ang ginawa ko.
Ang saya! Sobrang haba ng course na dinaanan ng rollercoaster! Tapos iba't-ibang slopes, iba't-ibang turns. Exciting sobra! Rawr! Hahaha. Sigaw ako ng sigaw, pero hindi ko maialis ang ngiti ko sa mga labi. It was one of my best experiences! Ang hirap i-explain ng naramdaman ko habang sakay ako dun, pero nung matapos na, gusto kong umulit pa.
Nang makababa na ako, naisip ko na ulit sina Mama. Naiwan na ata ako ng tuluyan ng tren na sinasakyan nila. Pero kailangan ko pa ding humabol sa kanila...
Ayun, nagising na ako ulit.